Nagsauli ng napulot na bagahe ng pasahero na may laman na higit P1 milyon at mamahaling gamit ang isang security guard na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing naiwan ng pasahero ang bagaheng noong isang linggo at nadiskubre ito ng aviation security na si Albert Bautista.
May laman daw na P1.4 milyon at mamahaling mga gamit ang naturang bagahe.
Marami ang humanga sa katapatan ni Bautista, na hindi nagdalawang-isip na isauli ang bagahe.
“Hindi po natin kailangang angkinin ang hindi po sa atin… hindi ko po gagawin ‘yon, hindi po ganoon ang pagpapalaki sa amin ng magulang ko,” aniya.
Dahil sa kaniyang katapatan, binigyan si Bautista ng commendation letter ni Manila International Airport Authority General Manager Cesar Chong.
May ibinigay din sa kaniyang pabuya ang may-ari ng bagahe.
“Mineet [mee] niya po ako kahapon doon sa may boarding gate po bandang 1 p.m. doon ko po siya nakausap… nagpapasalamat nga raw po siya dahil sa akin kung ibang tao po ang nakadampot wala na raw po siyang aasahan,” anang guwardiya.
Noong 2017, napulot din ni Bautista ang bagahe ng isang dayuhan na panay pera rin ang laman at hindi rin niya pinag-interesan.
“Mahirap po talaga ang buhay sa ngayon pero ‘yung mga ganoon hindi po natin kailangan pag-interesan,” saad ni Bautista. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News