Pagkaraan ng 14 na taon, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema (SC) na nagdedeklara na labag sa Saligang Batas ng bansa ang Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) ng Pilipinas, China, at Vietnam na nabuo noong 2005 at nagtapos noong 2008.
Sa botong 12-2-1, nagpasya ang SC En Banc na unconstitutional ang pagpapahintulot sa mga dayuhang korporasyon na lumahok sa exploration o pagtuklas sa mga likas na yaman ng bansa.
Sa isang press briefer nitong Martes, sinabi ng SC na malinaw na isinagawa ang JMSU upang matukoy kung mayroong langis sa lugar na sinuri.
Ang JMSU ay isang kasunduan ng Philippine National Oil Company, China National Offshore Oil Corp., at Vietnam Oil Gas Corp. ukol sa oil explorations sa West Philippine Sea na sumasaklaw sa 142,886 square kilometers.
Nabuo ang JMSU noong 2005 at nagwakas noong June 30, 2008.
Binanggit ng SC ang isang bahagi ng JMSU na nagsasabing ang mga partido “expressed desire to engage in a joint research of petroleum resource potential of a certain area of the South China Sea as a pre-exploration activity.”
“That the Parties designated the joint research as a ‘pre-exploration activity’ is of no moment… Such designation does not detract from the fact that the intent and aim of the agreement is to discover petroleum, which is tantamount to exploration,” dagdag pa ng SC.
Ang desisyon ay base sa petisyon na inihain noong Mayo 2008 ng noo'y Bayan Muna Party-List representatives Satur Ocampo at Teodor Casiño, na nagsasabing labag sa saligang batas ang kasunduan.
Ang desisyon ay pinonente ni Associate Justice Samuel Gaerlan. Sinang-ayunan nina Chief Justice Alexander Gesmundo at 10 pang associate justices ang pasya.
Sumalungat naman sina Associate Justice Amy Lazaro-Javier at Associate Justice Rodil Zalameda, habang naka-leave at hindi nakaboto si Associate Justice Ramo Paul Hernando.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News