Itinuturing ng pulisya na bayani ang isang 25-anyos na guro sa Virginia, USA, dahil sinikap pa rin niyang mailabas ng silid-aralan at tiyaking ligtas ang lahat ng mga bata kahit pa nabaril na siya sa dibdib ng isang estudyante na anim na taong gulang lang.
Sa ulat ng Reuters, kinilala ang guro na si Abigail Zwerner, na nasa maayos nang kondisyon mula sa tinamong tama ng bala sa kamay at dibdib.
Nitong nakaraang Biyernes nang mangyari ang insidente sa loob ng Richneck Elementary School sa Newport News, Virginia, ayon kay Police Chief Steve Drew.
Nasa isang medical facility ang batang namaril na isang lalaki. Inaalam pa umano ng hukom kung palalawigin pa ang temporary custody sa kaniya, ayon kay Drew.
Kasama rin sa pinag-aaralan kung sasampahan ng kaso ang mga magulang ng batang estudyante dahil sa kabiguan nila na ingatan ang baril na nakuha ng bata.
Ang baril-- isang 9 mm Taurus handgun-- ay legal daw na nabili ng ina ng bata.
Tinawag ni Drew na "hero" si Zwerner dahil tiniyak umano ng guro na ligtas ang mga bata hanggang sa mailabas niya ng silid-aralan.
"She made sure that every one of those kids were out of that room, that she was the last one to leave. And she took it upon herself in that situation, after suffering a gunshot wound, to make sure that her students ... were safe," ani Drew.
Batay sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, kinuha ng bata ang baril mula sa bahay at inilagay sa backpack. Sa loob ng klase, inilabas umano ng bata ang baril, itinutok kay Zwerner at ipinutok ng isang beses.
Nagtamo ng tama ng bala sa kamay si Zwerner, at tumagos sa kaniyang dibdib.
Matapos ang pagbaril, isang babaeng guro ang sumaklolo at idinapa sa sahig ang namaril na bata. Habang ang sugatan na si Zwerner, inilabas sa kuwarto ang nasa 16 hanggang 20 na mag-aaral.
Nang dumating ang mga pulis, nakita sa sahig ang baril na ginamit ng bata.
"I wish that we never had to have it asked. How does a 6-year-old know how to use a firearm? I don't know that I could give you an adequate answer," ayon kay Drew.
Habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring insidente, susuriin naman ng mga educator ang security protocols sa paaralan.
Ayon kay Newport News Public Schools Superintendent George Parker, hindi handa ang kanilang paaralan sa nangyari. Mula 1970, ito umano ang pangatlong insidente na isang batang anim na taong gulang ang nagpaputok ng baril sa loob ng isang paaralan sa Amerika.
Sa ngayon, nakatuon ang security measures sa paggamit ng metal detectors sa high schools at pagsasanay sa active-shooter situations sa lahat ng antas.
"I hate to be at this point where I'm where I'm considering this .... It may warrant us to reconsider metal detectors at all of our buildings," ani Parker. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News