Hindi maiwasan ng mga pusa na makaramdam ng kalungkutan o pagkabagot, lalo na kapag umaalis ang kanilang mga fur parent. Kaya naman ang mga halamang cat grass at catnip, maaaring ibigay sa kanila para bumalik ang kanilang saya at sigla.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Patricia Tumulak, ipinaliwanag ng veterinarian ng PPBCC Veterinary Hospital na si Maricelle "Mace" Licuanan na nakatutulong ang fiber ng cat grass para isuka ng pusa ang mga hindi kayang matunaw ng kanilang sikmura gaya ng buto, balahibo at mga buhok.

Dagdag ni Dr. Licuanan, wala ring side o neurological effects ang cat grass sa mga pusa. Bilang roughage, meron din itong chlorophyll kaya makukuha ng mga pusa ang anti-oxidant properties nito.

Samantala, nagmula naman ang catnip sa halamang Nepeta cataria. Meron itong nepetalactone, isang active ingredient na nakaaapekto sa emosyonal na pag-uugali ng mga pusa.

Ayon kay Dr. Licuanan, meron itong relaxant at hypnotic properties kaya meron itong euphoric effect sa mga pusa.

Gayunman, kailangang katamtaman lamang ang pagbibigay ng catnip sa mga pusa. Wala rin itong health benefits, pero ibinibigay lamang para maging masaya ang mga pusa.

"Kung hindi naman kailangan and your cat is content with their natural environment, no need to give catnip," sabi ni Dr. Licuanan.

"Remember it is a mental stimulant. Meron siyang nangyayari na, the cats are not in their normal state of mind. So pwede siyang mangagat, but in a playful way. Pero siyempre makakasakit pa rin sa owner. Better we use catnip with caution always," dagdag ni Dr. Licuanan. —VBL, GMA Integrated News