Ngayong Kapaskuhan, sunod-sunod na naman ang mga party kung saan hindi maiwasang mag-ingay ng mga kapitbahay, lalo na sa videoke. Ano nga ba ang maaaring ireklamo sa kanila kung nakakaperwisyo na at nakakaapekto sa kalusugan?
Sa Kapuso sa Batas, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na may karapatan ang bawat tao na maging malaya mula sa mga bagay na makasisira sa kaniyang kapayapaan o makasasama sa kaniyang kalusugan, mapa-pisikal man, mental o emosyonal na kalusugan.
Sa ilalim ng Article 694 ng Civil Code, ipinaliwanag ang “nuisance” bilang kahit anong nakasisira sa kalusugan ng ibang tao o “annoy” o “offend” sa “senses.”
Sinabi naman sa Article 682 ng Civil Code na ang lahat ng mga nasa property o gusali, may-ari man o mga nakatira, ay may responsibilidad na siguruhing walang ingay, amoy, usok, alikabok, tubig ang lalabas na makakapinsala o irita sa iba pang property.
Kasama sa nuisance o istorbo sa libreng pagdaan ng publiko ang mga kasiyahan na maraming imbitadong kaibigan kung saan pati tapat ng kapitbahay ay ginawang lugar ng party.
Kung may problema dahil sa pag-iingay o ano pa mang nakakaistorbo, dapat itong daanin ng magkakapitbahay sa magandang pakiusap.
Kung hindi maawat ang “nuisance” na kapitbahay na nag-iingay araw-araw o disoras ng gabi at may pasok pa sa eskuwela o trabaho kinabukasan, maaari na itong i-report sa barangay.
Obligasyon naman ng mga lokal na opisyal na tugunan ang mga problemang magkapitbahay at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan.
Kung hindi mareresolba sa antas ng barangay, maaari nang dumiretso sa pulis para ipa-blotter ang unjust vexation.
Para sa mga tuloy-tuloy na problema maaari ring magtungo sa munisipyo at konsultahin ang local health officer na nakatakda sa batas na resolbahin ang mga insidente ng nuisance na kapitbahay.
Ang unjust vexation ay may kulong na arresto mayor na isang buwan at isang araw, hanggang anim na buwan, at multang P500 hanggang P5,000.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News