Sumiklab ang sunog sa isang pabrika at warehouse ng mga goma sa Valenzuela City nitong Martes ng hapon.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region, nagsimula ang sunog bandang 3:25 p.m. sa Santiago Street sa Barangay Viente Reales.
Pero makalipas ang 20 minuto inaakyat na agad ito sa ika-apat na alarma.
Sa ulat ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB, pahirapan umano ang pag-apula dahil pawang mga gomang ginagamit na accessory sa sasakyan ang nasunog.
WATCH: Patuloy na inaapula ang sunog sa isang warehouse ng automotive rubber sa Brgy. Veinte Reales, Valenzuela City. | via @glenjuego pic.twitter.com/qkpMaSAL9A
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 14, 2022
Sa ngayon, gumagamit na ng kemikal ang mga tauhan ng BFP para maapula ang sunog.
Batay sa ulat sa GMA News “24 Oras”, sinabing walang naiulat na nasawi o nasaktan sa insidente.
Sa follow-up report sa Super Radyo dzBB, sinabi ng BFP-Paranaque na may nakitang kumislap sa linya ng kuryente ang mga manggagawa ng pabrika.
Matapos nito, sinundan na raw ito ng paglagablab ng apoy at agad na silang nagtakbuhan palabas ng pabrika.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA News