Inihayag ni Garrett Bolden na minsan na rin siyang nagduda sa kaniyang sarili dahil sa kakaiba niyang kulay at hitsura, ngunit hindi ito naging hadlang para tuparin ang kaniyang pangarap na maging isang magaling na singer.
Sa Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Lunes, isa si Garrett sa guest choices tungkol sa mga dalawa o maraming beses sumali sa mga contest TV pero hindi naging grand winner.
Mga limang beses nang sumali si Garrett sa mga singing competition, kung saan makakapasok siya sa mga mahahalagang round pero matatalo kalaunan.
“Dumarating din talaga sa time na tinatawanan ka na nila, kasi ‘Ay ayan na naman si Garrett, sasali na naman ‘yan pero hindi ‘yam mananalo,’” sabi ni Garrett. “Pero siyempre, mas marami pa ring naniniwala, doon ako talagang kumapit kaya sali pa rin ako nang sali kahit natatalo ako.
Bagama’t natutong balewalain ang mga negatibong komento, aminado si Garrett na naapektuhan pa rin siya ng mga ito.
“Wala, dedma lang, dinidedma ko lang. Pero masakit minsan, masakit talaga. Lalo na kapag sumasali po kasi sa mga competition, siyempre buong [pagkatao] namin pinapasok namin doon sa pagsali, tapos may mga magda-down,” saad ng Kapuso Soul Balladeer.
Edad 16 o 17 anyos nang magsimulang sumali si Garrett sa mga singing competition.
Dati nang inihayag ni Garrett na isang African-American ang kaniyang ama. Dahil dito, nakararanas din siya noon ng ilang mga pangungutya.
“Feeling ko weakness ko ‘yung pagiging ibang kulay, ibang hitsura. Kaya never akong sumali ng amateur singing contests, kasi parang lagi akong inaasar, kinukutya. So ang mindset ko noong bata ako, ‘pag sumali ako dapat sa TV. Kasi kapag sa TV, ‘yung mga napapanood ko sa mga American Idol, ‘yung mga kakulay ko pinapalakpakan,” sabi niya.
Taong 2018 nang sumali si Garrett sa The Clash. Hindi man naging grand champion, nagbukas ito ng maraming oportunidad sa kaniya.
Wagi si Garrett ng 2020 New Male Recording Artist of the Year sa ika-11 PMPC Star Awards for Music. Wagi rin siyang 2021 Male Pop Artist of the Year sa ika-12 PMPC Star Awards for Music.
Naging bahagi rin si Garrett ng Miss Saigon Guam, kung saan karakter niya si John Thomas, best friend ng bidang si Chris Scott.
“Never doubt yourself. Kasi dati pinagdaanan ko ‘yung, ako ‘yung mismong nagda-doubt sa sarili ko, hindi maganda ‘yon. Kung alam niyo at nararamdaman niyong kaya niyo, go lang nang go,” sabi ni Garrett.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News