Sinunog ng ilang galit na residente ang isang palengke sa Indonesia dahil sa kumalat umanong maling impormasyon ukol sa mga ibinebentang damit roon.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing sinadya raw ang sunog na tumupok sa magkakatabing puwesto sa palengke sa Central Papua Province.
Mula sa isang video, dinig na dinig ang mga pagsabog mula sa sunog.
Ayon sa mga lumabas na report, nag-ugat ang insidente sa pagkalat ng fake news dahil isang residente raw ang hinimatay matapos niyang isuot ang damit na binili sa palengke.
Inakusahan ng ilang residente ang mga trader na naglalagay raw ng lason sa mga panindang damit.
Kumalat sa komunidad ang umano’y hoax at sumugod ang mga galit na residente sa palengke saka sinadya umanong sunugin ang mga tindahan.
May mga umatake rin daw sa mga security personnel at ilan pang awtoridad.
Nasa 50 kiosk ang natupok sa sunog at may siyam na motorsiklo pang nadamay. Habang hindi bababa sa apat ang napaulat na sugatan.
Ayon sa mga pulis, 11 ang kanilang inaresto at kasalukuyang iniimbestigahan.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang detalye sa totoong dahilan kung bakit nahimatay ang residenteng bumili ng damit.
Wala ring kumpirmasyon kung sinusuri na ang damit na sinasabing nilagyan ng lason.—Mel Matthew Doctor/AOL, GMA Integrated News