Makakahinga muli sa gastos ang mga motorista at tsuper dahil inaasahan na mababawasan na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagsubaybay ng oil industry source sa kalakalan ng produktong petrolyo sa merkado nitong nakalipas na apat na araw (December 5 to 8), inihayag nito sa GMA News Online na maaaring mabawasan ng P3.00 hanggang P3.30 per liter ang presyo ng diesel.
Nasa P1.40 hanggang P1.70 per liter naman ang matatapyas sa gasolina.
Ito na magiging ika-apat na linggong sunod na may fuel price rollback. Nitong nakaraang Martes, halos P2 per liter ang nabawas sa presyo ng diesel at gasolina.
Karaniwang inaansyo ng mga oil company ang price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad sa Martes.
Sa taong ito, umabot sa P31.95 per liter ang kabuuang nadagdag sa presyo ng diesel, P15.8 per liter sa gasoline, at P26.2 per liter sa kerosene.—FRJ, GMA Integrated News