Isa sa mga suspek sa pagkawala ng ilang sabungero ang sangkot din umano sa kasong tangkang pagpatay sa Tanay, Rizal noong 2019 dahil umano sa away sa lupa.
Nitong nakaraang linggo, kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention si Julie Patidongan alyas Dondon, dahil sa pagkawala ng isang sabungero na nakuhanan ng video na kasama niya.
Sa cellphone video na nakuha ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), makikita na kasama ng suspek at ng isa pang lalaki, ang nakaposas na isang sabungero sa Laguna noong Abril.
Kabilang ang naturang sabungero sa mahigit 30 sabungero na hindi pa natatagpuan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing batay sa mapagkakatiwalaang source sa Special Investigation Task Group, sangkot raw si Patidongan sa kasong attempted murder noong March 2019.
Tinangka raw patayin ng suspek ang ang isang miyembro ng isang pamilya ng mga Dumagat sa Tanay, Rizal dahil sa away sa lupa.
“Kitang-kita ko ho. ‘Yung anak ko ho kilalang-kilala rin siya. Naging tao niya ho ako sa farm ng pagbabakod nga ho. Pero nang malaman ko ho pati ‘yung aming sinasakang lupa ay gusto nilang sakupin, doon na ho ako umalis sa kanila kasi ‘yung daanan ho naming hinarangan nila, bale binakuran nila” ayon sa biktima.
Ipinakita ng biktima ang mga pilat na tinamo sa katawan mula raw sa ginawang pamamaril ni Patindongan.
“Isang dipa lang ho pagitan namin. Tapos bigla siyang bumaba sa sasakyan, napalingon ako ng ganyan, ‘yun may baril tapos bigla niya akong pinutukan. Kinabuksan ho. Nabalitaan ko ‘yung tatay ko naman, binaril din nila. Kasama pa rin ang pamangkin ko,” ayon pa ng biktima.
Pero matapos ang tatlong taon, sinabi niya na wala pa ring nangyayari sa isinampa nilang kaso laban sa suspek.
“Nag-file kami ng kaso nu’n sa Binangonan, eh ilang buwan at ilang taon na rin ang kaso, wala pa rin pong nangyayari. Kung saka-sakali ho sana matulungan niyo naman ako, kami ng pamilya ko. Humihingi po kami ng hustisya rin sa nangyari sa akin at saka ho sa anak ko na nagkaroon ng takot,” giit pa niya.
Patuloy na sinisikap na makuhanan ng panig si Patidongan.
Samantala, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon sa umano’y pagkakakilanlan ng ikalawang lalaking nasa video na kasama ng nakaposas na nawawalang sabungero.
Nakikipagtulungan na raw siya sa pamilya ng biktima.
“’Yung nag-i-stalk ako sa Facebook niya, ‘yun kasa-kasama niya rin si Patidongan. Kilala ng mga pulis tukuyin na, baka siguro ito ‘yun,” saad ng concerned citizen.
Ipapasa raw ng pamilya ng mga nawawalang sabungero ang impormasyon sa case conference ng SIDG sa Biyernes.
“Mukha ‘yun nga ‘yung pinakikita nitong concerned citizen. Parang ‘yun ang second man, sinasabing pulis pero hindi po pulis ito. Ito po ‘yung roving security,” ani Butch Inonog, ama ng nawawalang si Jean Claude Inonog.
“Sana ho mapag-aralan ng PNP, especially CIDG kung ano ang maganda rito. Eh sila naman nakakaalam ng niyan,” dagdag pa niya. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News