Puwede bang butasan ang bulkan para makalabas ang lava nito at nang hindi na sumabog? Ito ang tanong kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr, ng kongresistang mula sa Camiguin, na isang volcanic island.
Ginawa ni Camiguin Rep. Jurdin Jesus Romualdo, ang tanong kay Solidum, nang isalang ang kumpirmasyon ng kalihim sa Commission on Appointments (CA).
“Kung subukan kaya natin ‘yan na sa bulkan bubutasan, lalabas ang lava para hindi na puputok ang bulkan?” tanong ni Romualdo.
Sa ulat sa GTV "State of the Nation Address" nitong Huwebes, binanggit ni Solidum na puwede raw gumawa ang DOST ng metal drill na yari sa kaparehong materyal ng space rockets para makayanan ang mataas na temperatura sa ilalim ng bulkan.
READ: Beyond the volcanoes: a brief guide to Camiguin
Pero paliwanag ni Solidum, hindi makokontrol ang pagsabog ng bulkan na dulot ng build-up ng pressure at mataas na temperatura sa loob nito.
“A volcano will erupt if there is too much pressure and high temperature. Even if one would tamper with the volcano, it may trigger eruption, not stop it because the magma is more enormous that whatever trigger we want to do,” paliwanag niya.
Sa nasabing confirmation hearing ng CA, tinanong din ni Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta si Solidum, kung maaari bang gawin sa Pilipinas ang mga food pill na tulad ng kinakain ng mga astronaut sa kalawakan para maipamahagi sa mga mahihirap nang hindi sila magutom.
"I'm thinking aloud na kung sakali pong makaimbento tayo nung kinakain nila, ibibigay ko po sa mga mahihirap na kababayan natin. Even for months hindi sila kakain, hindi sila mamatay,” saad ni Marcoleta.
“Kasi 'pag kinain niya 'yon, it will last for several days, if not months,” dagdag pa ng kongresista.
Kinumpirma ng bicameral body ang appointment ni Solidum nitong Miyerkoles, Nobyembre 7. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News