Maaari bang gawin sa Pilipinas ang mga food pill, na katulad ng kinakain ng mga astronaut sa kalawakan, na puwedeng ipamahagi sa mga mahihirap upang hindi sila magutom kahit abutin ng ilang buwan?
Ito ang tanong ni Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta kay Secretary Renato Solidum Jr. nang isinalang sa Commission on Appointments (CA) ang kaniyang pagkakatalaga bilang kalihim ng Department of Science and Technology (DOST) nitong Miyerkules.
“I'm thinking aloud na kung sakali pong makaimbento tayo nung kinakain nila, ibibigay ko po sa mga mahihirap na kababayan natin. Even for months hindi sila kakain, hindi sila mamatay,” saad ni Marcoleta.
“Kasi 'pag kinain niya 'yon, it will last for several days, if not months,” dagdag pa ng kongresista.
Karaniwang tumatagal nang mahabang panahon sa kalawakan ang mga astronaut.
Sa ulat sa GMA News Unang Balita, sinabi ni Solidum na titingnan ng food security committee ng DOST ang mungkahi ni Marcoleta.
Aniya pa, wala raw sa ngayon sa Pilipinas ang ganitong uri ng pagkain na may shelf life na aabot ng ilang buwan.
Kinumpirma ng bicameral body ang appointment ni Solidum nitong Miyerkoles, Nobyembre 7. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News