Matinding takot ang naramdaman ng magbabarkada nang bumuhos ang malakas na ulan at may kasama pang kidlat habang sakay sila ng Ferris wheel sa isang amusement park.
Sa ulat ni Cedrick Castillo sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa nag-viral na video sa social media si Bryant Duldulao, na tila idinaan na lang sa tawanan at biruan ang kanilang sitwasyon habang sakay ng ferris wheel sa Enchanted Kingdom at umuulan.
Habang umaakyat ang ferris wheel, bumuhos ang malakas na ulan at nasundan pa ng pagkidlat.
“Kabado po ako kasi hindi ko po expected na umiikot po ‘yung sinasakyan po namin eh ang lakas ng hangin doon sa taas,” ani Duldulao.
“Talaga pong sumisigaw po ako kasi hindi ko na po alam gagawin ko… nag-hysterical na po ako actually noong nasa taas. Sumisigaw na po kami pati ‘yung ibang mga nakasakay, sumisigaw na rin po sila na ihinto na lang din po ‘yung ride,” dagdag pa niya.
Isa-isa naman daw ibinababa ng operator ang mga nakasakay sa ferris wheel at sinuspinde ang operasyon nito.
Tinulungan din din daw sila ng ibang staff at humingi ng paumanhin ang mga ito.
Sinubukan kuhanan ng komento ang Enchanted Kingdom pero hinihintay pa ang kanilang opisyal na pahayag ukol sa insidente.
Ayon naman sa Occupational Safety and Health Consultant na si Engr. Allan Cuya, lubhang peligroso ang pinagdaanan ng mga nasa viral video.
“Napakadelikado dahil ‘yung hawakan, ‘yung dulas. Salamat at nakaupo siya pero at the same time ‘yung bagsak ng ulan, siyempre dahil medyo panicking ang dating ng tao,” giit ni Cuya.
Sinabi rin ni Cuya ang peligro ng naturang amusement ride sa tama ng kidlat.
Payo ng eksperto sa publiko, ipatigil sa operator ang rides kung sakaling maranasan ang parehong sitwasyon.
May mga protocol umano ang mga amusement park kapag may banta ng thunderstorm or lightning strikes sa ibang bansa. Katulad ng pagpapatigil sa operasyon ng mga outdoor rides hanggang bumalik sa normal ang kondisyon ng panahon.
Sa pagsisiyasat ng GMA News Research, walang ahensya ng national government na nakatoka at may itinakdang regulasyon para sa mga amusement parks sa Pilipinas.
Nakaatas sa lokal na pamahaalan ang pagbibigay ng permits sa mga ito. Dati nang may mga panukalang batas para sa regulasyon ng theme parks pero hindi lumusot sa Kongreso ang mga panukalang ito, ayon pa sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News