Nag-extra effort umano sa paggising ng maaga ang Marian devotees sa pagdiriwang ngayong araw ng Feast of the Immaculate Conception of Virgin Mary.

Sa Unang Balita nitong Huwebes, iniulat ni Darlene Cay ang festive mood sa Immaculate Conception Cathedral sa Cuabao, Quezon City.

Makikita sa video na may brass band na tumutugtog sa harap ng simbahan pagkatapos ng unang Misa ng madalaling-araw.

Sunod-sunod na rin umano ang pagdating ng mga deboto. Dakong alas-sais ng umaga ang unang Misa, pero maaga pa lamang ay sunod-sunod na umanong nagdadatingan ang mga deboto.

Isa sa mga nakapanayam na deboto ay ilang dekada na umanong ipinagdiriwang ang araw na ito ng Immaculate Conception.

Sa katunayan umano, dito rin sa simbahan ng Immaculate Conception siya bininyagan. Kaya mahalaga umano sa kanya ang pagsimba sa araw na ito.

Isang deboto naman ang nagsabing kay Mama Rary daw talaga siya lumalapit dahil ang mahal na Birhen daw ang kanyang gabay.

Naka-face mask ang lahat nga mga nagsisimba at may temperature check pa bago pumasok, at may alcohol dispenser din sa harap ng simbahan.

Bago ang araw ng Immaculate Conception, nagkaroon ng prusesyon ng imahen ni Mama Mary at iniikot sa Cubao area. —LBG, GMA Integrated News