Nalunod ang kapwa 3-taong-gulang na magpinsan nang madulas raw ang mga ito habang naglalaro sa isang ilog sa Bacarra, Ilocos Norte.

Sa ulat sa GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing di kalayuan ang pinangyarihan ng insidente  mula sa bahay ng mga biktima sa Barangay Corocor.

Nakaligtas naman ang kanilang isang pinsan na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.

Ayon sa ulat, hindi raw agad namalayan ng kanilang mga magulang ang insidente dahil abala ang mga ito sa paglalaba.

“Hindi ko po alam kung paano po siya nalunod. Kanina po nandyan siya sa labahan, nasa likod ko. Maya-maya nawala siya kaya hinanap ko siya,” saad ng nanay ng isa sa mga biktima.

“Tinanong ko kung nasaan na siya, nandu’n raw namatay na kaya tumakbo po ako sa ilog. Kapag akyat ko ng hagdan nakita ko po pinsan niya naninilaw tapos may nakahiga raw sa semento ‘yung ang una kong binuhat,” dagdag pa niya.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News