Hindi nakakuha ng NBI clearance ang isang ginang mula sa Tuguegarao matapos mapag-alamang meron siyang kapangalan na may kaso sa Pagadian City. Ano nga ba ang nararapat gawin kapag may hit o kapangalang may kaso ang isang tao?
Sa Sumbungan ng Bayan, isinalaysay ni Marilou Castro na pinapupunta siya sa Pagadian City para kumuha ng court clearance, ngunit napakalayo ng lugar na nasa Mindanao pa.
Kinuha na niya ang lahat ng requirements para patunayang hindi siya ang tao na kaniyang kapangalan, pero pinabalik-balik siya sa NBI sa Tuguegarao.
Sa huli, hindi rin siya nakakuha ng NBI clearance.
Ayon kay Atty. Francis Abril, ang NBI ang ahensya ng pambansang pamahalaan na sumusugpo ng mga karumal-dumal na krimen, kaya nararapat lamang itong maghigpit sa mga requirement.
Para mapatunayan ng isang tao na hindi siya ang taong may kaso, kailangan niyang mag-execute ng affidavit of denial kung saan manunumpa siya sa notaryo publiko.
"Ito 'yung catch doon. Nagtitiwala tayo na malinis ang record ng ating letter sender (Castro). Pero handa ba siya kung saka-sakali na mapatunayan na siya ay nagsasabi ng totoo? Handa ba siya na humarap sa kaso?" paalala ni Atty. Abril.
Dagdag ni Atty. Abril, maaaring makipag-ugnayan na lamang sa Office of the Clerk of Court ng Regional Trial Court ng Pagadian City si Castro, at ipaliwanag ang kaniyang sitwasyon kung bakit hindi siya makapupunta sa Pagadian City para sa court clearance.
Ayon kay Atty. Abril, pinahihintulutan sa mga korte ang paghingi ng clearances online.
Kung may kakilala rin ang ginang sa Pagadian City, maaari niyang gamitin ang Special Power of Attorney para ang kaniyang kakilala na lamang ang maglalakad ng kaniyang requirements sa Pagadian City.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News