Kalunos-lunos ang sinapit ng isang Grade 9 student matapos mapag-tripan umanong bugbugin ng mga kapwa niya teenager sa Novaliches, Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Nakunan pa ng CCTV ang naganap na pambubugbog sa Quirino Highway noong November 18. Sa video, makikitang pinagtutulungang bugbugin ng isang grupo ang biktimang si Jay Chris Galindes, 14 anyos.
Matapos ang pambubugbog, nagawa pang umuwi ni Galindes at ikuwento sa kaniyang lola ang nangyari.
"Bigla ko siyang napansin na umupo sa gilid, umiiyak, hawak-hawak niya ['ýung ulo niya]. Sabi ko anong nangyari sa iyo. Sabi niya, lola, masakit ang ulo ko. Sabi ko bakit. [Sabi niya] pinag-tripan mo ako ng apat na lalaki," ani Imelda Flaviano, lola ng biktima.
Batay sa kuwento ng biktima sa kaniyang lola, sinipa, sinuntok at pinukpok ng matigas na bagay ang kaniyang ulo ng mga suspek.
Isinugod sa ospital si Galindes pero na-comatose siya. Binawian siya ng buhay noong November 25.
"Talagang napakasakit. Hindi ko maisip kung paano nangyari sa kaniya iyan," ani Flaviano.
Naaresto ang apat na suspek sa follow-up operation ng pulisya, kabilang ang 18-anyos na person with disability (PWD) na si Joselito Valeriano. Samantala, menor de edad at kapwa children in conflict with the law (CICL) ang tatlong iba pa.
Batay sa imbestigasyon, pauwi galing eskuwela ang biktima at isang kaibigan nang harangin sila ng grupo. Nakatakas ang kaibigan kaya hindi ito nasaktan.
"Hinabol, binugbog at nang maabutan ay binagsakan pa ng bato sa kaniyang ulo at katawan," ani Police Brigadier General Nicolas Torre III, hepe ng Quezon City Police District (QCPD).
Mga dayo raw sa barangay ang mga suspek at napagtripan lang ang biktima.
"They are now known to each other. Walang rason para sila ay mag-away at magbugbugan, pero may nangyari nga dahil sa kursunada lang," sabi ni Torre.
Nahaharap sa reklamong murder ang mga suspek, bagama't itinanggi ni Valeriano ang partisipasyon niya sa pambubugbog.
"Wala po akong kaalam-alam. Biktima rin po ako, tinuro ako nila. Trip lang po nila mambanat," ani Valeriano. —KBK, GMA Integrated News