Arestado ang isang American national sa Taguig City matapos siyang ireklamo ng pananakit ng kaniyang kinakasama, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kinilala ang suspek na si Michael Tan, na napag-alamang wanted sa Amerika dahil sa kinakaharap na kaso. Inaresto siya sa kaniyang condominium unit sa Bonifacio Global City.
"May nag-report po sa atin na isang babae na siya raw ay nakararanas ng pambubugbog ng kaniyang kinakasama at tayo po ay nagsagawa agad ng operasyon dito sa isang condominium at nahuli nga po natin itong suspek," ani Police Brigadier General Kirby John Kraft, hepe ng Southern Police District (SPD).
Sa imbestigasyon ng SPD, napag-alamang nasa Interpol Red Notice at wanted pala sa Amerika si Tan dahil sa kasong attempted, willful, deliberate, premeditated murder.
"May koordinasyon po sa atin ang US Embassy kung saan ito nga pong taong ito ay may kinakaharap na kaso sa Amerika. Ngunit siyempre kailangan niya muna pagdusahan yung kaniyang kaso dito sa Pilipinas at maaaring pagkatapos nito ay magkaroon po tayo ng deportation proceeding," ani Kraft.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na kunin ang panig ni Tan, na nakakulong na sa Taguig City Police Station. —KBK, GMA Integrated News