Inalmahan ng De La Salle College of Saint Benilde (DLS-CSB) ang paghawak umano ni Colegio de San Juan de Letran player Paolo Javillonar sa puwetan ng kanilang manlalaro na si Will Gozum.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA Integrated News “24 Oras” nitong Lunes, sinabi ng direktor ng DLS-CSB Center for Sports Development na si Stephen Fernandez, na kawalang-galang ang ginawa ni Javillonar kay Gozum.
“It was disrespectful. These kinds of antics, it disrespects the sport. The sport is supposed to impart values and character discipline and camaraderie... and sometimes, people forget about this,” giit ni Fernandez.
Sa gitna ng Game 1 ng best-of-three finals ng NCAA nitong Linggo ng dalawang koponan, makikita sa video na paghawak ni Javillonar sa puwetan ni Gozum.
Umani umano ng batikos ang ginawa ng Letran Knights player mula sa fans ng NCAA.
Gayunman, hindi na pormal na magrereklamo ang Benilde Blazers sa nangyaring insidente at maghahanda na lang daw sila sa Game 2 ng finals sa darating na Linggo.
“We were quite expecting that to happen, that kind of play, not necessarily the action. We will be much ready sa aming second game,” ani Fernandez.
Sinubukan kuhanan ng pahayag ng GMA Integrated News ang Letran Knights pero hindi na raw sila magkokomento ukol sa pangyayari.
Samantala, pag-aaralan naman ng pamunuan ng NCAA ang insidente kahit wala pang pormal na reklamo dahil mayroon umanong mga fans na-offend.
“Nakikinig din naman kami, that’s why, we are asking the commissioner to review the incident and submit findings,” ayon kay NCAA Season 98 chairman Efren Jose Supan.
Dagdag pa ni Supan, may mga nakalatag raw na panuntunan ang NCAA sa mga galaw sa laro na parte ng mind game o panggulo sa diskarte ng kalaban.
Ngunit paalala niya, “Gamesmanship is part of the game as long as it’s not injurious or provocative in nature… for that particular incident, we asked the commissioner to look into it, review that particular incident and submit a report to the NCAA Management Committee.”
Nakauna ng panalo ang Letran laban sa Saint Benilde sa iskor na 81-75 sa kanilang Game 1 ng best-of-three NCAA Season 98 Finals series nitong nakaraang Linggo.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News