Isang backpack na may mga kable at karton na hugis bomba ang iniwan sa tapat ng isang bangko sa Binondo, Maynila. Ayon sa mga awtoridad, hindi tunay na bomba ang laman ng bag.
Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB, sinabing mabilis na nirespondehan ng mga tauhan ng Manila Police District Explosive Ordnance Division (MPD-EOD) ang isang tawag kaugnay sa backpack na kahina-hinalang iniwan ng hindi pa nakikilalang suspek.
Ayon kay MPD spokesperson Police Captain Philip Ines, itinawag sa police station ang insidente bandang 3 p.m.
Agad na nagsawa ng safe procedure ang mga tauhan ng EOD at ginamitan ng water disruptor ang nakitang bag.
FLASH REPORT: Backpack na nakitaan ng mga kable at karton na hugis bomba, iniwan sa tapat ng isang bangko sa Binondo, Maynila. | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/wDInAzWgbd
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 5, 2022
Nakumpirma ng EOD na hindi tunay na bomba ang laman ng bag, at tila gusto lang umanong manakot ng nag-iwan.
Ayon kay Ines, sinadyang iniwan ang bag ng suspek na nakasuot ng puting t-shirt, tube mask, itim na sumbrero at maong na pantalon.
Mayroon din brown envelope sa bag na may lamang mensahe o demand. Pero hindi ito idinetalye ng pulisya dahil patuloy pa ang imbestigasyon, ayon pa sa ulat. —Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News