Dead on the spot ang isang taxi driver sa Malabon City matapos pagbabarilin sa mukha ng hindi pa nakikilalang salarin nitong Lunes ng madaling-araw. 

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA Integrated News “Unang Balita”, kinilala ng pulisya ang biktima na na si Teodulo Remollano Jr., 57-anyos.

Pinagbabarill si Remollano habang naghihintay ng pasahero sa Barangay Tinajeros. Katabi raw nito ang isang tindera nang mangyari ang krimen, ayon pa sa ulat.

Dalawang tao raw ang napansin niyang paalis mula sa pinangyarihan ng krimen.

Labis naman ang hinanakit ng mga kaanak ng biktima sa nangyari.

“Kung sino man ang gumawa nu’n may mga anak din siya, may mga apo rin ‘yan… kung ano ang pagkakamali niya inano na lang sana, ‘wag na lang ganyan,” umiiyak na pahayag ng kaanak.

Ayon sa pulisya, paghihiganti ang isa sa tinitingnan nilang motibo sa krimen.

Noong nakaraang linggo may nakaaway umanong kapitbahay si Remollano nang maningil ito ng utang. Pinasok noon ng biktima ang bahay ng sinisingil niya kung saan nagkaroon ng komosyon.

Makalipas ang ilang araw inatake sa puso ang sinisingil niya at kalauna’y namatay.

Nang malaman ito ng pulisya, agad silang nagkasa ng follow-up operation. Sa ngayon, may hawak na silang person of interest sa kaso pero patuloy pa ang imbestigasyon.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News