Matapos ang kontrobersiyal na pahayag ni retired boxing referee Carlos Padilla Jr., na "tinulungan" niya umano si Manny Pacquiao na manalo sa laban nito kontra sa Australian na si Nedal Hussein noong 2000, lumutang ang posibilidad na muling magtuos ang dalawang boksingero sa pamamagitan ng exhibition bout.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nagkausap ang dalawang retired boxers via zoom call upang hingan ng komento sa mga isiniwalat ni Padilla, na siyang naging referee sa kanilang laban na ginawa sa Pilipinas-- 22 taon na ang nakalilipas.

Sa mga lumabas na ulat, sinabi ni Padilla na tinagalan niya ang pagbibilang kay Pacquiao matapos bumagsak sa suntok ni Hussein.

Sinabi pa ng batikang referee na idineklara niyang suntok ang umano'y headbutt ni Pacquaio kay Hussein, na dahilan ng pagputok ng mukha ng Australian boxer.

"It's Carlos Padilla's fault. He is the one that's to blame and his big mouth," ayon kay Hussein, na aminadong dismayado siya sa resulta ng naturang laban nila ni Pacquiao.

Suportado naman ni Pacquiao ang sinabi ni Hussein, at sinabing dapat na nanahimik na lang si Padilla kung gumawa man ito ng pagkakamali sa naturang laban.

Nilinaw naman ni Hussein na wala siyang sama ng loob kay Pacquiao.

"I'm a big fan of Manny. All boxers have respect for the other boxer," aniya. "Maybe we'll do an exhibition one day."

Taong 2007 pa huling lumaban si Hussein pero nagkaroon umano siya ng idea nang madinig ang tungkol sa exhibition match.

"If there's a challenge, I'd love to do it against Manny," saad ni Hussien.

Sinabi naman ni Pacquiao, na handa siyang gawin ang laban kahit sa Sydney, Australia, na balwarte ni Hussein.

Samantala, bumuo na ang WBC ng special panel para alamin ang mga pahayag ni Padilla tungkol sa naging laban nina Pacquiao at Hussein.

Nais ni Hussein na ideklarang "no contest" ang naturang laban matapos ang mga isiniwalat ni Padilla.

Pero kung si Pacquiao ang tatanungin, wala siyang nakitang iregularidad nang muling panoorin ang kanilang laban.

Maging ang boxing analyst na si Quinito Henson, na nasaksihan ang laban, wala ring nakita pagkakamali.

"A long count no longer can happen in modern boxing. In the 2000s, meron na tayong knockdown timekeeper," paliwanag niya.

Nauna nang humingi ng pang-unawa ang anak ni Padilla na si Suzy Tuano. Sa sulat na ipinadala niya sa WBC, sinabi niya na maaaring nagkaroon lang pagkakamali sa pag-unawa sa naging mga pahayag ng kaniyang 88-anyos na ama, na isang Hall of Famer.

"He does not need controversies at this very late stage in his life. I know I may sound biased being the eldest child of six, but I believe that through his legacy, he has proven his worth and we, his family, would appreciate it if people respected his contributions to the boxing community he so loved, by giving him some well deserved consideration," pakiusap niya. —FRJ, GMA Integrated News