Arestado sa isang entrapment operation sa Pasay City ang isang Chinese na sangkot umano sa kasong human trafficking.

Inaresto ang suspek sa isang condominium sa Pasay, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Sangkot umano ang suspek sa pambubugaw sa isang menor de edad at dalawa pang biktima.

Inilatag ng pulisya ang entrapment operation matapos humingi ng tulong ang kaanak ng menor de edad.

Ayon kay Police Colonel Byron Tabernilla, online ang mga transaction para sa nasabing pambubugaw.

"Gumagamit sila kasi 'yon ng mga platforms through apps at saka through social media. Doon kasi nila 'yung transaksiyon ginagawa sa kapwa din nila, 'yung iba Chinese 'yung mga clients nila," ani Tabernilla.

Umuupa raw ng condominium unit ang mga suspek para sa kanilang operasyon.

"'Yung modus nila is nagre-rent sila ng mga units. Then sa isang unit, doon nila itinatago 'yung mga sex worker. Tapos 'yung mga kuwarto nila, pinapa-rent din nila 'yon para 'yon ang gamitin ng mga customer," dagdag ni Tabernilla.

Sa pamamagitan ng translator, iginiit ng suspek na customer lang siya at hindi sangkot sa pambubugaw.

Payo naman ni Tabernilla sa mga magulang ay gabayan ang mga anak para hindi mabiktima sa katulad na modus.

"Mga kababayan natin, alamin nila kung ano ang papasukin nila. Lalo na sa mga magulang, siyempre, 'yung mga menor de edad na mga anak nila, dapat talagang gabayan nila at huwag pumatol at pumasok sa mga ganito. Ito, minsan nakikita natin through social media," ani Tabernilla.

Iniimbestigahan na ng pulisya kung gaano kalalim ang umano'y human trafficking na modus na ito. —KG, GMA Integrated News