Sugatan ang dalawang menor de edad habang nasira naman ang dalawang prutasan na nasa bangketa matapos araruhin ng isang kotse nitong Linggo ng madaling-araw sa Quezon City.
Sa ekslusibong ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras Weekend”, sinabing nangyari ang insidente pasado 2 a.m. sa kahabaan ng Roosevelt Avenue papuntang EDSA sa tabi ng Munoz Market.
Sa isang anggulo ng CCTV footage, makikita ang lakas ng pagsalpok ng kotse sa tindahan ng mga prutas sa bangketa.
Dahil dito, nawasak ang dalawang prutasan at nayupi ang railings sa bangketa kung saan huling tumama ang sasakyan.
Nakaladkad at tumilapon ang magpinsang biktima na 12-anyos at 17-anyos, na nagbabantay lang sa prutusan nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Beth Berios, nasa likurang pwesto siya noon ng mga menor de edad.
“Hinahanap ko ang mga bata, Sabi ko may mga kasama akong bata nasaan na… natakpan po ng mga karton. May mga sugat sa ulo. Tapos ‘yung isa naman nangingisay nga kanina eh,” saad niya.
“Nandoon po sila sa Quezon City General Hospital at kinakailangan ho silang ma-CT scan.Pero nakakausap naman sila,” pahayag naman ni Barangay Veterans Village Chairperson Joy Landingin.
Ayon sa ulat, isang babae ang drayber ng kotse na mag-isa lang noon sa sasakyan.
“Ang paliwanag po niya ay may iniwasan po siyang taxi kaya nakabig niya po ang manibela,” dagdag pa ni Landingin.
Ngunit hindi kita sa CCTV footage ang sinasabing pag-iwas ng drayber sa isang taxi dahil ang nasapul lang ay pag-iwas nito sa isang aso at concrete barriers.
“Tinanong ko po kung siya po ay nakainom at inamin naman po niya na siya ay nakainom,” sabi pa ni Landingin.
Pero nag-iba ang kwento ng drayber nang tinanong na ito ng mga pulisya.
“Tinanong po namin, hindi naman daw po siya nakainom. Pagod lang daw po talaga siya. Nakaidlip po,” ayon kay QCPD Traffic Sector 1 Patrolman Jaylord Vista, imbestigador sa insidente.
Samantala, tuliro ang mga magulang ng mag-pinsang nasagasaan.
“Kasi noong galing kami sa lamay, itong papa niya ang nagbabantay, sabi niya, papa palitan kita para makatulog ka. ‘Yung isa kong pamangkin sinamahan siya para may kausap siya. Ang kailangan ko lang mapagamot ang mga anak ko at saka puhunan ng paninda namin, hindi namin sariling pera ‘yun eh,” ani ng nanay ng biktima.
“Gastusan lang nila, gagastusin ng anak ko. Hanggang gumaling kasi hindi namin kaya kasi ito lang hanapbuhay ko,” dagdag pa ng ama nito.
Sinbukang kuhanan ng pahayag ang babaeng drayber pero tumanggi ito.
Gayunman, sinabi ng pulisya na nag-areglo na ang dalawang panig.
Sasagutin daw ng drayber ang pagpapagamot ng mga bata at magbabayad ng danyos para sa nasirang tindahan at paninda. Kapalit nito, hindi na raw magsasampa ng kaso ang mga biktima, ayon pa sa ulat. — Mel Matthew Doctor/DVM, GMA Integrated News