Nasa 23 babae, kabilang ang dalawang menor de edad, ang nasagip ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) sa isang high-end KTV bar sa Pasig City na pugad umano ng prostitusyon. Ang isang suspek, isang Chinese national.
Sa ekslusibong ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing aakalaing normal na KTV bar lang ang establisyemento dahil mga ordinaryong KTV rooms lang ang makikita sa unang palapag nito.
Pero nang akyatin ng mga tauhan ng NBI-NCR ang ikalawang palapag, dito na makikita ang mga kwartong ginagamit sa umanong prostitusyon.
“Kapag may napili itong mga kliyente na natipuhan dito sa mga kababaihan na ito ay dinadala sa second floor for sexual exploitation,” ayon kay NBI spokesperson Giselle Garcia-Dumlao.
“Nag-apply sila du’n bilang entertainer at desk relations officers pero ni-require sila ng mga nahuli natin na dapat pumayag sila sa sexual act with their clients na mostly rin ay Chinese nationals. Kapag hindi sila pumayag ay tatanggalin sila,” saad pa ni NBI-NCR Regional Director Rommel Vallejo.
Na-recover din ng mga awtoridad ang P3,000 na marked money.
Samantala, arestado naman ang isang Chinese national na manager umano ng establisyemento at isang babae na bugaw raw ng mga biktima.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga inaresto na nakakulong na sa NBI Detention Facility.
“Sasampahan natin sila ng kasong human trafficking at child abuse law,” ani Garcia-Dumlao. — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News