Hiniling ng lider ng minorya sa Kamara de Representantes kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Vice President Sara Duterte na ilaan na lang bilang pang-ayuda sa mga mahihirap na pamilya ang planong confidential funds na nakalagay sa kani-kanilang tanggapan para sa 2023.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro ng ACT Teachers party list, ang pinagsamang confidential and intelligence fund allocations sa ilalim ng 2023 budget ng dalawang tanggapan ay puwede umanong gamitin bilang tig-P10,000 na ayuda sa may 500,000 na pinakamahihirap na pamilya.
Umaabot sa P4.5 bilyon ang confidential and intelligence fund sa tanggapan ng pangulo (OP), at P500 milyon naman sa tanggapan ng bise presidente (OVP).
"Kung talagang may concern sila lalo sa mga pinakamahihirap na sektor ng ating lipunan, dapat ay ibigay na nina President Marcos Jr at Vice President Duterte ang kanilang confidential and intelligence funds sa ayuda," ani Castro.
"This P5 billion would already help 500,000 families if they are given P10,000. This would translate to 2.5 Filipinos aided. This aid could also be spent on the local economy because these families would buy food, clothing, and pay bills so we will be hitting two birds with one stone," dagdag niya.
Sa ilalim ng mungkahing 2023 budget, mayroon ding P100 milyon na CIF sa Department of Education, na pinamumunuan din ni Duterte. Pero inilipat ito ng Senado sa maintenance and other operating expenses (MOOE), kasama ang CIF ng iba pang ahensiya na aabot ang kabuuang halaga sa P152 milyon.
Hindi naman ginalaw ng Senado ang hinihinging CIF ng OP at OVP.
Nagpupulong ang mga kinatawan ng Kamara at Senado sa bicameral conference committee para resolbahin ang anumang pagkakaiba sa panukalang P5.26 trillion budget para sa 2023 na magkahiwalay nilang inaprubahan.
“Sana naman ay makinig ang pangulo at pangalawang pangulo sa kahilingan ng ating mga kababayang mahihirap lalo pa at magpapasko,” sabi ni Castro.
“Magandang pamasko sa kanila ang pag-anunsyo na sila ay makakatanggap ng P10,000 ayuda pagpasok ng bagong taon," dagdag niya.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang reaksiyon ng OP at OVP. —FRJ, GMA Integrated News