Nakahuli ang mga residente ng Barangay San Martin de Porres sa Cubao, Quezon City nitong Sabado ng gabi ng malaking sawa.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa “24 Oras Weekend”, sinabing matapos mahuli ang sawa, binusulan agad ito ng masking tape.
Pero nang ilalagay na ang ahas sa sako, biglang pumulupot ang sawa sa hita ng isang residente, ayon pa sa ulat.
“Sanay na po kasi ako. Importante po kasi nu’n ‘yung ulo eh. Kapag kulang ka sa pwersa, kung hindi ka marunong, tatalunin ka,” pahayag ni Jenry Horadas, residenteng nakahuli ng sawa.
Unang nakita ang sawa sa tapat ng bahay ni Kagawad Mercy Dosel. Sinabi ni Dosel na hindi niya alam kung saan nanggaling ang sawa.
“Pero ang linis ng ahas. Iniisip namin baka bagong palit ng skin,” dagdag pa ni Dosel.
Ayon sa pamunuan ng barangay, sila muna raw ang mangangalaga sa sawa habang hinihintay na maibigay sa mga kinauukulan.
Pero hindi pala dito natatapos ang takot ng mga residente dahil mayroon pa raw mas malaking sawa na hindi pa nahuhuli.
Sa isang video, nakuhanan ang naturang sawa sa isang bahay noong September 30.
Hinala ng pamunuan ng barangay, nanay ito ng sawang nahuhuli nila.
“Mas malaki po ito… gahita po. Kaya ‘yun po ang inaabang-abangan namin,” saad ni Rodel Salamo, kagawad ng barangay.
Posible raw na sa kanal nanggaling ang nakita nilang sawa.
Nagpapasaklolo ngayon ang barangay sa mga awtoridad partikular sa Department of Environment and Natural Resources at lokal na pamahalaan ng Quezon City. —LBG, GMA Integrated News