Arestado ang dalawang lalaki na suspek sa insidente ng snatching sa Makati City.
Nakilala ng mga suspek na sina Manuel Ong Jr. at Jonathan Castaño, ayon sa ekslusibong ulat ni John Consulta sa 24 Oras ng GMA News nitong Sabado.
Nahuli sa CCTV ang isang insidente ng snatching.
Sa kuha ng CCTV, makikitang may dumadaan na isang motorsiklo. Nag-U-turn ito at lumapit sa isang babaeng naglalakad. Hinablot ng rider ang cellphone ng biktima at dali-daling umalis sa lugar.
Natunton naman ng Makati City Police ang tinutuluyan ng suspek, base sa validation at intelligence reports.
Bitbit ang search warrant, nagtungo ang mga pulis sa bahay ng suspek at doon na inaresto ang dalawa.
May narekober din na dalawang baril ang mga awtoridad.
"Pagpasok po ng ating mga operatiba doon sa residence ng mga suspek ay nakakuha po tayo ng isang 9mm and then one caliber .38 po," ayon kay Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati City Police.
Ang mga suspek daw ang sangkot sa iba pang snatching incident tuwing madaling araw at madalas mga foreigner ang kanilang mga biktima, dagdag ni Cutiyog.
Hindi na nagsalita sa media ang mga suspek.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang lugar kung saan dinadala ng mga suspek umano ang mga ninakaw na gamit.
Samantala, isasailalim naman sa ballistic examination ang dalawang baril na narekober.
"At dito naman sa Southern Police District ay patuloy ang ating ganitong operasyon lalo na ngayong magpa-Pasko kung saan ay sinasamantala ng mga ganitong kriminal 'yung ganitong panahon na magsagawa sila ng krimen," ani Southern Police District director Police Brigadier General Kirby John Kraft. —KG, GMA Integrated News