Arestado ang isang babae dahil sa pagbebenta ng ilegal na organ enhancement cream, na nakapeligro sa maselang bahagi ng katawan ng ilang kalalakihang bumili ng produkto.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang pagdakip sa babaeng suspek na kinilalang si Ellen Joy Reyes, matapos niyang tangapin ang bayad sa undercover agent ng National Bureau of Investigation - Intellectual Property Rights Division (IPRD).

Nabawi sa suspek ang marked money at ilegal na item na ibinibenta niya.

Sinabi ng NBI na bahagi si Reyes ng grupong nagbebenta online ng hindi rehistradong male enhancement cream para sa kalalakihan sa halagang P600.

"May dumulog na complainant dito sa opisina namin, nagrereklamo na itong nabili niyang male enhancement cream is may adverse effects sa kaniya. Noong vinerify natin ito sa FDA, lumalabas na hindi rehistrado itong produktong ito," sabi ni Agent John Ignacio, Executive Officer ng NBI IPRD.

Nakakapagbenta ang grupo ng 20 piraso kada araw sa mga kliyente nila sa Metro Manila at kalapit-probinsya.

Tumangging magbigay ng pahayag ang nadakip na suspek, na nahaharap sa reklamong paglabag sa FDA Act. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News