Bawal nang ibenta sa mga grocery at palengke ang mga imported na isda sa mga susunod na mga araw o simula sa December 4, 2022.

Iniulat sa Unang Balita nitong Biyernes ni Jonathan Andal na kabilang sa mga imported na isda na ipinagbabawal nang itinda ay ang  pink salmon at pampano.

Ilang mga nagtitinda ang nag-iisip na kung ano ang pamalit sa mga ipinagbabawal na isdang paninda nila.

Ayon sa ulat, matagal nang ipinagbabawal ang naturang mga imported na isda, 1999 pa.

Batay sa Fisheries Administrative Order (FAO) No. 195 ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ipinag babawal ang naturang mga imported na isda sa mga palengke upang tangkilikin ng mga Pilipino ang sariling huli natin para matulungan ang lokal na mga magingisda.

Ang  pwede lamang magbenta ng ganitong klaseng mga isda ay ang mga malalaking kumpanya na gumagawa ng delata at processed food, at pati na ang mga motel at restaurant na nagse-serve nito sa kanilang menu.

Simula sa December 4, 2022 kukumpiskahin na ng mga awtoridad ang mga tinitindang imported pink salmon at pampano sa mga palengke.

Sa Balintawak Market, P320 ang kada kilo ng Pampano; at P140/kilo ang ulo ng slamon, at P140 ang salmon belly.

Dagdag ng ulat, mag-iikot ang mga tauhan ng BFAR sa mga palengke hanggang December 3  upang ipaalala sa mga vendor kung ano ang ipinagbabawal na itinda na mga imported na isda. —LBG, GMA Integrated News