Inilahad ng dating Pinoy world boxing champion na si Luisito "Lindol" Espinosa kung sino ang pinakamatindi niyang nakasagupa sa ring noon.
Sa nakaraang episode ng Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga, sinabi ni Espinosa na kamuntikan na siyang pabagsakin ng Mexicano na si Alejandro "Cobrita" Gonzalez.
Naglaban sina Espinosa at Gonzalez para sa WBC international featherweight championship noong 1993 kung saan natalo si Espinosa.
Muli silang nagtuos noong 1996, kung saan si Espinosa naman ang kampeon at dinepensahan ang titulo, at na-knockout si Gonzalez.
"Kasi ang nangyari, unang laban namin, tinalo niya ako pero kayang kaya ko siya. Tapos noong pangalawang laban namin, sabi ko 'Humanda ka na.' Nakabawi ako, knockout," sabi ni Espinosa.
Matikas pa rin si Espinosa sa edad niyang 55.
"'Yung punching bag, kaya tumitibay kami, hinahampas sa amin sa ulo 'yan, sa katawan," sabi ni Espinosa tungkol sa kanilang pagsasanay noon.
"Ang nakakatuwa sa sports, talagang nandiyan na 'yan sa katawan namin," dagdag niya.
Ngayon, gumagawa si Espinosa ng isang pelikula, at isa na rin siyang vlogger at nagtuturo ng boxing sa mga gustong matuto.--FRJ, GMA Integrated News