Sinabi ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Huwebes na dapat munang suriing maigi ang panukalang batas na nagmumungkahing i-decriminalize o huwag nang patawan ng parusang pagkakakulong ang mga mahuhuling gumagamit ng ilegal na droga sa bansa.
Sa panayam sa GMA News' Unang Balita nitong Huwebes, sinabing ang naturang panukala na isinusulong ni Senador Robin Padilla ay natalakay kamakailan sa pagdinig ng komite sa Senado.
Ayon kay Dela Rosa, siya ang dating may-akda ng panukala. Pero dahil sa nadinig niyang komento ng mga awtoridad, sinabi ng senador na kailangang pag- aralang mabuti ang magiging epekto nito.
“Una, talagang I am the author of the bill. Ako mismo ang gumawa niyan at gusto ko talaga dahil sa kasagsagan ng ating war on drugs nakita natin na punong-puno na ang ating kulungan dahil sa mga drug offences,” saad ni dela Rosa.
“So, in order to decongest itong mga kulungan, sabi natin i-decriminalize na lang ‘yan dahil ‘yon naman mga rehabilitation centers natin ay hindi napupuno. At saka we consider that drug addiction is not more of a law enforcement problem but more of a health problem. So, ‘yun ang nagiging thinking natin noon,” dagdag pa niya.
Nitong Martes, nagsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sa pagtatatag ng drug abuse treatment at rehabilitation centers kung saan pinag-uusapan ang decriminalization sa mga gumagamit ng ilegal na droga.
Ngunit ayon kay Dela Rosa, mariing tinutulan ng Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at Dangerous Drugs Board ang panukalang batas.
Aniya pa, sinabi rin ng mga law enforcement agencies na maaari raw magbigay ng maling senyales sa mga kabataan ang panukalang batas kaya dapat munang pag-usapan ito nang mabuti.
“Pero ngayon nu’ng narinig ko rin ang side ng law enforcement kagaya ng PNP, PDEA, NBI at Dangerous Drugs Board during the hearing, narinig ko ang kanilang side, malakas ang kanilang opposition, ayaw na ayaw nila dahil it will send daw wrong signal du’n sa ating mga kabataan na ‘it’s okay to use drugs’ kasi hindi ka pala makukulong i-rehab ka lang,” ani Dela Rosa.
“So, ‘yung hearing na ‘yun aking sinuspend muna at sabi ko mag-hearing tayo ulit dahil mabigat na talakayan dito para we will come up a very good piece of legislation. Hindi ‘yung mamadaliin natin, pag-usapan muna natin ito,” giit pa niya.
Samantala, binanggit din ng senador na sinusuportahan ng Department of Health (DOH) ang decriminalization dahil itinuturing nitong problema sa kalusugan ang paggamit ng iligal droga.
“On the other side naman ‘yung DOH at saka si Senator Robin Padilla ay very vocal din ang support nila sa panukalang batas na ito. Dahil they really consider drug using as a health problem. So, ‘yun nga mahabang talakayan pa ito. Hindi tayo basta mag-conclude dito,” sambit pa ni Dela Rosa.
Ayon pa sa senador, saklaw ng decriminalization ang lahat ng uri ng ilegal na droga, tulad ang marijuana, shabu at cocaine.--FRJ, GMA Integrated News