Namaalam man sa mundo matapos malunod at ideklarang brain dead, naging daan naman ang isang 3-anyos na batang lalaki para madugtungan ang buhay ng iba nang ituring siyang pinakabatang organ donor sa bansa.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon, na iniulat din sa GMA News Feed, sinabing nakatira sa Washington, USA ang pamilya ni Ezra Rosario.
Itong buwan ng Nobyembre ang kauna-unahang pagkakataon na nakarating si Ezra sa Pilipinas kasama ang kaniyang kakambal at mga magulang na sina Jennae at Julius Rosario.
Ipinagdiwang nila sa Paoay, Ilocos Norte nitong Nobyembre 6 ang kaarawan ng kambal. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, humantong ito sa trahedya nang malunod si Ezra.
"Malalim 'yung side ng pool na tinalunan niya. Siguro akala niya 'yung kiddie pool which is the other side, kasi magkadugtong siya. Sa five feet siya actually tumalon," sabi ni Jennae, ina ni Ezra.
Kulang ang gamitan sa ospital sa lugar, kaya dinala si Ezra sa Maynila sa pamamagitan ng airlift.
Ilang araw nakipaglaban ang bata sa ospital, hanggang sa ideklara si Ezra na brain dead.
"Automatic na yata sa parents siguro na alam na namin na, 'Tama na rin, mag-rest ka na lang anak ko' parang ganoon," sabi ni Jennae.
"Mahirap. I do not wish this to anybody to have to go through this process," sabi naman ni Julius.
Pinili nina Jennae at Julius na i-donate ang mga organ ni Ezra.
Sa tulong ng mga cornea ni Ezra, pitong tao ang muling makakakita, samantalang may isang tao rin ang makatatanggap ng kaniyang kidney.
Sinabi ng Human Organization Effort ng National Kidney and Transplant Institute na si Ezra ang pinakabatang donor sa kanilang programa.
Siya rin ang kauna-unahang pedia organ donor ng St. Luke's Medical Center. —LBG, GMA Integrated News