Sapul sa camera ang pagnanakaw ng isang babae sa cellphone ng isang kaherang natutulog sa isang tindahan sa Taguig City. Ang suspek, may iba pang record ng pagnanakaw sa kaniyang barangay.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV na natutulog si Roselyn Campos sa pinapasukan niyang tindahan sa Brgy. Pinagsama Lunes ng madaling araw.
Ilang saglit pa, dumating sa tindahan ang isang babaeng may hawak na pera.
Nang makita ang natutulog na kahera, sinipat niya ito at tiniyak na mahimbing ang tulog nito.
Hanggang sa dahan-dahan nang kinuha ng suspek ang cellphone ni Campos, na may naka-play pa na video, bago umalis.
Hindi rin namalayan ng kasamahan ni Campos ang magnanakaw, na naglalaro noong mga oras na iyon.
Ayon sa may-ari ng cellphone, bago lang ito at nabili niya sa halagang P9,000, na pinag-ipunan niya ng siyam na buwan. Naroon din ang kaniyang mga contact sa mga magulang at pamilya.
Nalaman nila ang barangay na kinaroroonan ng suspek nang may mag-tip sa kanila na netizen na nakapanood sa social media ng video ng pagnanakaw.
Ayon sa Brgy. Usuan, kung saan nakatira ang suspek, may iba na rin itong record ng pagnanakaw tulad ng sinampay.
Tinungo ng GMA News ang tirahan ng suspek pero wala roon ang babae.
Panawagan ng biktima na maibalik sa kaniya ang cellphone at makulong ang suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News