Arestado sa Bulacan ang isang lalaking pumatay umano sa delivery rider sa Maynila noong Hulyo.

Sa Unang Balita ni Darlene Cay nitong Huwebes, sinabing sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan natunton ng mga operatiba ng Manila Special Mayor's Reaction Team (SMART) si Daniel Borromeo na wanted sa kasong murder.

Pinatay umano ng suspek ang isang delivery rider sa Tondo noong Hulyo.

May nabangga umano ang biktimang rider na senior citizen na tatay pala ni Borromeo.

Sinaksak ng suspek ng balisong sa likod dalawang beses ang rider nakinilalang si Alan Richardson Sumang.

Ayon sa ulat, dating kagawad ang suspek at dati na rin umanong may mga reklamo sa kanya.

Nagtago ang suspek matapos ang krimen.

Nagpapasalamat naman umano ang mga kaanak ni Sumang sa pagkakaaresto kay Borromeo na tumangging magbigay ng pahayag. —LBG, GMA Integrated News