Hindi aso o pusa, kundi isang ahas ang napiling gawing pet ng isang 19-anyos na Tiktoker, dahil nakaka-relate siya sa mga ito na laging iniiwan ng mga tao. Ang dalaga, sinabing mas masakit pa sa break up nang itakas ng kaniyang pamilya ang ahas para malayo ito sa kaniya.
Sa kuwentong Brigada ni Oscar Oida, ipinakilala ng Tiktoker na si Chichay Dizon ang apat na buwang gulang na "bestfriend" niyang python na si Hitter.
"Mas ramdam ko kasi 'yung pagmamahal niya. Masarap kasi siyang alagaan tapos feeling ko kasi mas totoo siya kaysa sa iba," sabi ni Dizon, na nabili si Hitter sa isang breeder sa Davao.
Nagkasundo raw agad sila ng ahas at naging katabi niya ito sa pagtulog.
Ayon kay Dizon, naka-relate siya sa mga ahas dahil tulad ng mga naturang hayop, iniiwan din siya ng mga tao. Mas napadalas pa nga ang pag-iwan sa kaniya nang mag-alaga siya ng mga ahas.
"Sabi nila nababaliw daw ako. Ang dami-dami daw aalagaan na pet bakit daw ahas? Sabi ko 'Eh gusto ko'" giit ni Dizon.
Sa kaniyang Tiktok, si Hitter ang kaniyang ibinibida, na tila tali na pumupulupot sa kaniyang buhok.
Nakaranas ng diskirminasyon si Dizon nang minsang kunin mula sa kaniya ng kaniyang pamilya ang kaniyang ahas.
"Kinuha ng family ng family ko, tulog po ako noon. Kinuha nila, sinama nila 'yung bahay niya. Umiyak talaga ako, hindi ako kumain, mga two days siya nawala sa akin. Palalayain sana sa bundok kaso ayaw nila kasi hindi naman ako kakain. Binalik din siya sa akin. Mas masakit pa sa break up," kuwento ng dalaga.
Bukod kay Dizon, nag-aalaga rin ang 25-anyos na si Jazz Torres Ong ng ahas ngunit hindi lang isa kundi apat.
Dahil sa hilig ni Ong na mag-alaga ng ahas, nagsilbi itong daan para maging aktibo rin siya sa pangangalaga ng iba't ibang uri ng hayop.
Sa pag-aalaga ng mga ahas, hindi minsan maiiwasan na matuklaw din si Ong. Gayunman, hindi siya nangangamba dahil wala namang kamandag ang mga alaga niya.
"Maraming beses na akong natuklaw to the point na hindi na ako umiilag or umiiwas kapag manunuklaw na siya. Sa pets kasi, hindi naman sila anytime. Usually kasalanan 'yan ng tao, kapag 'yung kamay mo, kahawak mo lang ng pagkain niya, let's say daga o manok, tapos kapag pasok ng kamay mo roon sa enclosure, akala nila 'yun 'yun," paliwanag ni Ong.
"Kasi ang snakes, mahina ang kanilang mga paningin at pandinig, at umaasa sa kanilang pang-amoy," dagdag ni Ong.—LDF, GMA Integrated News