Ilang mga tao ang isinilang na hindi pangkaraniwan dahil sa kanilang mga sobrang daliri sa mga kamay at paa. Ano nga ba ang tawag sa kondisyon na ito, at mapakikinabangan ba ang mga sobrang daliri?
Sa Dapat Alam Mo! ipinakilala ang 56-anyos na si Albert Perculeza ng Batangas City, na may anim na daliri sa parehong kamay at paa.
Dahil dito, naging tampulan ng tukso si Perculeza, pero balewala lang sa kaniya ang mga pang-aasar.
"May mga disadvantage rin, kasi hindi ka makakanta noong bata ng 'Sampung mga daliri, kamay at paa.' Ang nangyayari, pinagsosolo na lang ako," kuwento ni Perculeza.
Dahil anim ang kaniyang daliri sa bawat kamay, hirap siyang gawin ang ilang bagay tulad ng pagsusuot ng gwantes at pag-register ng biometrics.
Hirap ding maghanap si Perculeza ng saktong sukat ng sapatos dahil sa sobra niyang daliri sa paa.
May ilan naman ang naniniwala na pinaglihi ang kamay ni Perculeza sa piling ng saging o sa alimango.
Minana ng kaniyang 19-anyos na anak na si Kharl ang kaniyang kondisyon na sobra ang daliri na tinatawag na polydactyly.
"Mahirap para sa akin na tanggapin na anim din ang daliri ko. Samu't saring pangungutya ang aking naransan noong ako'y Grade 3. Unti-unti ko nang natanggap ito hanggang sa paglaki," sabi ni Kharl.
"Dati po gusto ko pong maranasan na lima rin ang daliri ko para belong din ako sa mga kaklase ko, para hindi po ako naiiba," dagdag ni Kharl.
Paliwanag ng orthopedic surgeon na si Dr. Deejay Pacheco, genetic o namamana ang polydactyly, at may mga pagkakataong hindi rin nagagamit ang mga sobrang daliri.
Gayunman, napakikinabangan ng mag-amang sina Albert at Kharl ang mga sobra nilang daliri. —LBG, GMA Integrated News