Arestado ang isang lalaki sa Taguig City matapos siyang matunton sampung taon makalipas ang umano'y rape na nangyari sa Santa Cruz, Occidental Mindoro.

Kinilala ang suspek na si Jomar Manalo, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Inaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang suspek sa isang construction site na pinagtatrabahuhan niya.

Isa si Manalo sa tatlong lalaking sangkot umano sa nasabing rape case.

"Base po doon sa imbestigasyon na nangyari, magkakaibigan po 'yan. Nagkaroon po ng inuman. Noong malasing, dalawa raw babae 'yan at grupo ng tatlong lalaki. Noong nalasing po, ayun po nagkaroon ng, hinalay nila ang babae. Isa lang 'yung naging victim. Tatlo silang nagpasa-pasahan sa babae," ani MPD Warrant Section chief Police Lieutenant Jerry Campo.

Lumuwas daw sa Maynila si Manalo matapos ang insidenteng iyon noong 2012.

Noong 2013 naman nilabas ng korte ang arrest warrant laban sa kanya.

"Sa Metro Manila siya nagpaikot-ikot and then noong nakakuha ng informant ang Mamburao Police na nasa Taguig siya, finorward sa amin, nakipag-coordinate sa amin. Then kami na ang nag-operate sa Taguig kaya nahuli namin," ani Campo.

Itinanggi naman ng suspek ang alegasyong rape.

"Ganun na po 'yung kinaso kasi ano po 'yan, barka-barkada, nag-inom-inuman kami, gabi. Hindi siya nakauwi ng gabi. Umaga na siya nakauwi. Kaya wala nang magawa, nagalit ang nanay niya," ani Manalo.

Hindi raw siya nagtago. Akala raw niya ay tapos na ang kaso, dagdag ng suspek.

Pinapauwi na nga raw siya ng kanyang mga kapatid para siya na lang ang magsaka at matulungan ang kanilang ama, kuwento niya.

Ayon sa suspek, nasa ibang bansa na ang babae at may pamilya na.

Nakakulong na ang isa pang suspek habang hinahanap ang isa pa. —KG, GMA Integrated News