Arestado sa Catanduanes ang isang Dutch national na anim na taon nang umanong ilegal na naninirahan sa Pilipinas. Ang dayuhan, bistado rin sa kaniyang mga ilegal na aktibidad.

Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Martes, sinabing inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na kinilalang si John Sterman sa kaniyang pinagtataguang bahay.

Ayon sa BI, undocumented ang dayuhan at ilegal na ang pananatili nito sa bansa.

“When his records were checked nakita po na overstaying na dito. Medyo matagal na po ang panunuluyan niya dito ng wala pong tamang visa,” pahayag ni BI spokesperson Dana Sandoval.

Sa gitna ng operasyon, may narekober ang mga operatiba na laptop, camera, SD cards at external hard drive.

Nadiskubre ng mga awtoridad na pinaghahanap din pala si Sterman dahil sa kaso niya sa Davao noong 2016 na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI).

“Noong 2016 nakatanggap ang ating NBI-Davao ng reklamo mula sa isang nanay matapos niyang mapanood ang isang video kung saan hinahatak ng isang foreigner ang isang bata paloob sa CR,” saad ni NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao.

“So, noong kinonfront ng nanay ang kaniyang anak, napag-alaman niya na minolestiya ng foreigner na ito ang kaniyang anak at dalawa pa niyang kaibigan,” dagdag pa niya.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na may kasong human trafficking, anti-child pornography at child abuse.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News