Lumilitaw sa dokumento na ekslusibong nakuha ng ng GMA Integrated News na ilan sa 176 persons deprived of liberty (PDL) o bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) ay namatay dahil umano sa atake sa puso at iba pang karamdaman.
Ang nasabing bilang ng mga PDL na nasawi sa NBP ay nagmula umano noong Disyembre 2021, at nais ng Department of Justice na maimbestigahan dahil sa dami.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nakasaad sa cause of death ng mga PDLs ay karaniwang acute myocardial infarction o atake sa puso, pneumonia, at cardiorespiratory arrest.
Batay pa sa record mula sa Bureau of Corrections (BuCor), may ilan din namatay dahil umano sa intracranial hemorrhage o pagdurugo sa utak o kanaya naman ay cerebro vascular accident o pagkawala ng dugong dumadaloy sa utak.
May isang kaso naman hypovolemic shock o labis na pagkawala ng dugo, may isa ring hypoxemia secondary to strangulation o pagkawala ng oxygen sa dugo dahil sa pagsakal, at umano'y nagbiti, ayon pa sa BuCor.
Nauna nang iniulat na ilang bangkay ng mga PDL ang ilang buwan nang naipon sa Eastern Funeral Homes sa Alabang dahil sa kawalan ng kaanak na kumukuha.
Pero sinabi ni BuCor officer-in-charge Gregoria Catapang Jr., na nasa 166 na lang mga bangkay na nasa punerarya matapos nilang ipalibing na ang sampu sa sementeryo ng Bilibid.
Dagdag pa ng opisyal, may patakaran ang BuCor na kapag ang hindi kinuha ng kaanak ang bangkay ng isang PDL pagkaraan ng 90 araw ay ipalilibing na muna ito sa Bilibid cemetery.
“Anybody who will finally claim it, so, puwede rin naman naming ipakuha sa kanila ‘yan. I-exhume namin, ibigay na namin. Kasi matagal na eh, nabubulok na ang katawan,” paliwanag ni Catapang.
Pero ngayong may plano ang DOJ na ipa-autopsy ang mga katawan para malaman tunay na sanhi ng pagkamatay ng mga bilanggo, hindi na muna sila ililibing.
“Stay put sila diyan pagkatapos, ‘pag na-autopsy na at wala ring nagki-claim, baka ilibing na muna namin sa cemetery namin. Para kung wala talaga magki-claim, at least, nailibing namin nang maayos,” anang ng opisyal.
Sinabi pa ni Catapang, na kinokontak at sinusulatan ng BuCor ang mga kaanak kapag mayroon PDL na namatay.
Pero kung bakit natambak ang mga bangkay sa punerarya ngayon, sabi ni Catapang, “Trabaho ‘yan ng previous administration eh, pero ang tingin ko, negligence ‘yan o mismanagement. Bakit naipon ang patay na ‘yan?”
Sa ngayon, patuloy na umaapela ang punerarya na ilipat na ang mga bangkay dahil nakakapekto na ang mga ito sa kanilang negosyo.
Samantala, hindi pa malinaw kung kailan ililipat sa morgue ng UP College of Medicine ang mga bangkay para isailalim sa autopsy.
Ngunit, binanggit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pupuntahan na ito ni forensic pathologist Dr. Racquel Fortun, kasama ang mga taga-DOJ, sa Sabado, para masuri ang mga bangkay.
“We have to figure out logistically how we will keep them in PGH. If we have to provide air conditioning para ma-store muna sila properly, kung ano ang cremation plan if we will cremate them,” saad pa ni Remulla.
“Of course, we have to inform the families of these people that their bodies are in our possession and that they are being used for science if not to do justice for their cause,” dagdag pa niya.
Para naman kay Fortun, sinabi nito na “bad sign” umano ang napakaraming namatay na PDLs sa loob ng Bilibid.
“Now, there’s this question of, baka may foul play? And I think, medyo taasan ng kilay bakit ang daming namamatay sa preso sa Bilibid? And that’s a bad sign,” pahayag ni Fortun.
Si Fortun ang sumuri sa bangkay ng namatay na PDL na si Jun Villamor, na umano'y middleman sa pagpatay kay Percy Lapid.
Lumitaw sa unang pagsusuri na may kaugnayan sa "puso" ang sanhi ng pagkamatay ni Villamor.
Pero nang suriin ni Fortun ang mga labi ni Villamor, sinabi nito na namatay bilanggo dahil hindi nakahinga dulot ng pagsuklob ng plastic bag sa kaniyang ulo.
Kinumpirma naman ng ilang bilanggo sa kanilang sinumpaan salaysay na pinatay nga nila sa naturang paraan si Villamor dahil sa utos umano ng nakataas sa kanila. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News