Tinupad ng isang lola ang wish ng kaniyang apat na taong gulang na apo na kasama sa mga nasawi sa malagim na daycare massacre sa Thailand noong nakaraang Oktubre--ang makapaglaro sa beach.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing tinupad ng 52-anyos na si Saowanee Donchot, ang pangako niya sa kaniyang apo na si Pattanan Mumklaing, na tinatawag din nilang si “Model.”
Gusto raw kasi si Model noong nabubuhay pa na makapaglaro sa beach pagkatapos ng kanilang harvest season sa Thailand.
Nagpasya si Lola Saowanee na ituloy ang biyahe kahit pa abo na lang ni Model ang kaniyang kasama.
Nasa 30 katao, kabilang ang 23 bata, ang pinaslang sa daycare center noong October 6 sa Northern Thailand.
“During the harvesting season, we promised to bring her to see the beach, to play in the sea. But she didn’t live to do that,” ani Saowanee.
Hanggang ngayon, hindi pa rin matanggap ng nangungulilang lola ang sinapit ng kanyang apo, lalo’t sa murang edad nito ay dumaan na ang bata sa iba’t ibang mabibigat na pagsubok.
Ipinanganak si Model sa piitan dahil nakakulong noon ang kaniyang ina dahil sa ilegal na droga. Inmate din noon ang kaniyang ama.
Walong buwan si Model nang kupkupin ng kanyang lola na isang magsasaka.
“I told myself, I need to be strong. But also, thinking of how can I move on? What’s the purpose of living? Who am I living for? I’ve never thought of ending my life. I’m still figuring out how I should continue to live,” saad ni Saowanee.
Ang mabigat na pinagdaraanan ng pamilya, naibsan kahit paano nang matupad nila ang pangako kay Model.
Ikinalat nila ang kaniyang abo sa dagat. At sa kanilang isip, masaya nang naglalaro si Model sa mga alon.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News