Arestado sa Maynila ang tatlong taxi driver na miyembro umano ng ‘sampa-ipit taxi gang’. Ang kanilang target, mga dayuhang turista.
Sa ekslusibong ulat ni John Consulta sa “24 Oras” ngayong Martes, sinabing inaresto ng National Bureau of Investigation Anti-Organized and Transnational Division (NBI-AOTCD) ang mga suspek na sina Ryan Espadero, Darryl Eugenio at Ramil Talampas sa isang entrapment operation sa Malate.
Modus ng mga suspek na magsakay ng mga dayuhan at saka hoholdapin sa gitna ng kalsada, dagdag pa ng ulat.
Ito rin ang parehong modus na sinapit ng magkasintahang Koreano na nakuhanan sa CCTV camera nang ilaglag sa taxi sa Navotas City noong September 19.
Nakuha sa mga biktima ang kanilang pera, mga gadgets, at gamit na nagkakahalagang P500,000
Ayon kay NBI-AOTCD supervising agent Darwin Francisco, madalas na nabibiktima ng mga suspek ang mga Koreans, Chinese, Indian at Japanese nationals na sumasakay ng taxi sa Malate o kaya BGC Taguig.
“Ngayon, ‘pag naisakay nila ‘yun, may dalawang taxi pa rin na bubuntot. Itong unang taxi, nagkukunwari na nasiraan. Siyempre nasiraan, ‘yung foreigner naman bababa at papara ng ibang taxi. ‘Pag naisampa na ‘yun sa pangalawang taxi, hindi alam ng foreigner na naka-child lock ang pintuan sa likod, o-overtake itong pangatlong taxi, sakay itong nahuli natin ngayon, ‘yung leader at assistant leader,” aniya.
“Tatali nila ang biktima sa loob at lilimasin nila ang pera, gadgets, mga alahas. Tapos pipili sila ng lugar kung saan iiwanan ang biktima na foreigner,” pahayag pa niya.
Kapag mahigit P1 million ang nakuha ng mga suspek, sinabi ni Francisco na papatayin nila ang biktima para hindi makapag-hain ng reklamo.
Sa loob ng taxi, nakuha sa mga suspek ang isang caliber 38, isang caliber 45, isang granada, duct tape at gunting.
Samantala, sinabi naman ni NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao na dumaan sa inquest proceedings ang mga suspek at kinasuhan sa paglabag ng Comprehensive Firearms Ammunition and Regulation Act at Illegal Possession of Explosives.
“Napaka-significant na nahuli ang organize na crime group na ito ng ating mga ahente para hindi na sila makapang-biktima ng mga dayuhang turista sa ating bansa. In fact, pinapalakas pa naman natin ang ating tourism industry at kung hindi sila nahuli, makakasama ito sa imahe ng ating bansa,” sambit ni Garcia-Dumlao.
Samantala, magkakaiba ang naging pahayag ng mga suspek.
“Ako po ang may-ari ng taxi sir. Matutulog na po sana ako. ‘Yung dalawa naki-upo lang po diyan,” giit ni Espadero.
“Hindi po, sir. Napagkamalan lang po siguro kami, sir,” mariing tanggi naman ni Eugenio.
“Basta sundin ko lang daw sasabihin nila, meron pa kasing susundan na taxi na dadaan diyan. ‘yun lang ho at sabi niya kikita kami. Ang sarap po ng upo ko kanina eh, dahil hindi ko alam na ganyan po eh. Kung alam kong ganyan ‘yan, hindi ako sasama sir,” depensa ni Talampas. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA News