Nahaharap sa patung-patong na reklamo ang isang lalaking driver matapos niyang tutukan ng baril ang isa pang lalaki na nobyo ng dati niyang karelasyon sa Pateros. Ang kaniyang panunutok, dahil umano sa matinding selos.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, makikita sa CCTV na tumatakbo ang biktima at humihingi ng tulong matapos siyang tutukan ng baril ng suspek na si Cesar Joveda, na nasa asul na sasakyan.
Mabilis na dumating ang mga kapitbahay at kinompronta ang driver, ngunit sa kalagitnaan ng pag-uusap, hinarurot ni Joveda ang sasakyan.
Tinangka pa ng isang residente na iharang ang kaniyang tricycle pero naiwasan ito ng tumatakas na driver.
Bago makarating sa Makati City, inabutan na ang suspek ng Pateros Police, na nahingian ng mga biktima ng tulong.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang .38 caliber revolver na walang lisensya.
Nahaharap ang suspek sa mga reklamong grave threat, physical injury, at paglabag sa Republic Act 10591 dahil sa pagdadala ng baril na walang lisensya, at Anti-Violence Against Women and their Children Act.
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News