Arestado ang isang lalaki na bumisita sa Metro Manila District Jail sa Taguig City matapos niyang itangkang ipuslit sa kulungan ang mahigit P160,000 halaga ng hinihinalang shabu, na isinuksok niya sa sapatos.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Jeremiah Buenaventura, na may iaaabot sanang pares ng sapatos sa isang bilanggo.
Pero nang mag-inspeksiyon, nabisto na isinuksok ng suspek ang hinihinalang shabu sa suwelas ng sapatos.
"Kasi unusual 'yung pagkakadikit ng suwelas. Pagkapisil niya, bumuka, kasi kahit pisilin natin ang sapatos natin hindi bubuka 'yan eh. Bumuka, nakita 'yung plastic sa loob, doon na kinuha 'yung kontrabando," sabi ni Police Lieutenant Nelvin Pacia, Commander ng Taguig Police Sub-station 10.
Ayon naman sa suspek, pagdadalahan daw sana ng sapatos ang isang alyas "Aika" na nakakulong din dahil sa ilegal na droga, pero wala siyang ideya na may droga sa sapatos.
Napag-utusan lang din umano siya at hindi niya kilala si alyas "Aika." —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News