Arestado ang isang lalaki sa Barangay Payatas, Quezon City, dahil umano sa pagnanakaw ng kambing at tupa, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Kuwento ni Mary Ann Raguindin, may-ari ng mga nanakaw na hayop, napapansin na lamang niya na kulang ang mga alaga niya tuwing bibilangin niya ang mga ito.
"Tuwing hapon kasi binibilang ko siya. Eh ngayon nagtataka ako kulang na naman. Halos sunod-sunod na araw na kami nawawalan," aniya.
Nalaman nila ang pagnanakaw sa pamamagitan ng isang saksi.
"'Yung suspek, dala-dala [yung hayop] nakasilid sa sako, tapos isinakay sa e-bike," ani Mary Ann.
Sa Litex daw ang bentahan ng mga nakaw na kambing at tupa.
Nang magsumbong ang biktima, agad na nagkasa ng operasyon ang pulisya, dahilan para maaresto ang isang 18-anyos na suspek.
Nadiskubre na ang suspek ay anak pala ng kababata ng biktima.
Aminado naman ang suspek sa krimen. Aniya, dalawang beses na niya itong ginawa. Kumikita raw siya ng P500 kapag naibenta na ang mga ninakaw na hayop.
"Niyaya lang po ako," anang suspek. "Humihingi po ako ng dispensa sa ginawa ko."
Hinahanap pa ng mga otoridad ang isa pang kasamahan ng suspek. —KBK, GMA Integrated News