Kalaboso ang isang security guard matapos umanong gahasain ang menor de edad na pamangkin ng kaniyang misis, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Huwebes.

Naiyak na lang ang suspek nang arestuhin ng mga pulis sa kaniyang pinapasukan sa Parañaque City.

May kasong six counts of rape ang suspek. Sa record ng pulisya, ginahasa umano niya ang menor de edad na pamangkin ng kaniyang misis. Bukod dito, No. 4 most wanted din siya ng Parañaque police.

"Nag-background check kami sa kaniya upon issuing ng warrant of arrest. Ininterview din natin 'yung biktima niya and nakakuha tayo ng konting tip,"  ani Police Major Edwin Lacostales, hepe ng Investigation Division ng Parañaque City Police.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang sa kaniya. Hindi raw niya ito magagawa lalo pa't misis niya ang nag-alaga sa sinasabing biktima.

Dagdag pa ng suspek, posible raw na nagalit lang ang mga magulang ng bata dahil minsan niya itong napagbuhatan ng kamay nang sagutin ang kaniyang misis.

Kung may nangyari raw sa bata ay imposibleng siya ang may kagagawan.

"Ang lumabas sa medico legal ay nagalaw siya mula November hanggang December, eh nung November lumipat kami ng bahay," anang suspek.

Sinusubukan pa ng GMA News na kunan ng pahayag ang pamilya ng biktima. —KBK, GMA News