Arestado ang isang lalaking kilala online bilang si "Otlum" o multo dahil sa pagtangay sa isang cellphone sa Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang lumapit si Otlum, na may tunay na pangalan na PJ Dela Cruz, sa isang kainan sa Ermita at tinignan ang cellphone na nakalapag sa istante.
Maya-maya, bigla niyang dinampot ang cellphone at isinilid sa bag. Umalis siya sa lugar na parang walang nangyari.
Ayon sa biktimang si Joey Esquivel, maraming customer noong mga panahong iyon kaya nakaligtaan niya ang cellphone niya sa istante.
Nang malamang nawawala na ang cellphone niya, agad daw nilang ni-review ang CCTV kaya nakita nila kung sino ang salarin. Anila, matagal na nilang kilala si Otlum dahil madalas itong dumaan sa lugar.
Sa tulong ng mga kakilala, natunton si Otlum at dinala sa Barangay Hall kung saan itinanggi niya na siya ay isang magnanakaw.
"Ang tapang niya, hindi daw niya ninakaw, kinuha niya lang daw," ani Esquivel. "Mas galit pa siya kaysa sa amin."
Nang tanungin ng GMA News, inamin ni Otlum na kinuha niya ang cellphone pero hindi raw niya ito ninakaw.
"Ang depenisyon ng pagnanakaw ay papasok sa isang establisimyento at walang abog-abog ay magbububuklat at kukuha ng mga bagay na nasa pribado na lugar. Pero ang nangyari po sa akin, ako po ay nasa labas ng tindahan, hindi po ako pumasok. Nakita ko lamang ang istante na ito sa ibabaw ng pasimano at ito po ay aking kinuha," ani Otlum.
"Hindi po masama ang aking ginawa dahil ang akin pong konsensiya ay clear," dagdag pa niya.
Sa tulong ng mga kawani ng barangay, na-recover ang cellphone mula sa pinagbentahan ni Otlum at naibalik na ito sa may-ari.
Sa huli, humingi rin ng tawad si Otlum.
Pinag-iisipan naman ng biktima kung magsasampa siya ng reklamo laban kay Otlum.
Nakilala si Otlum online dahil sa kaniyang mga viral na video. —KBK, GMA News