Nauwi sa trahedya ang isa sanang masayang pagdiriwang ng Halloween sa Seoul, South Korea nitong Sabado ng gabi, October 29. Karamihan sa mga nasawi, ay mga teenager, at nasa kanilang 20s.

Tinatayang aabot sa 151 katao, kabilang ang 19 foreigners, ang namatay dahil sa isang crowd crush sa Itaewon District, ayon sa pinuno ng Yongsan Fire Station na si Choi Sung-beom.

Dagdag pa ni Choi, mahigit 80 indibidwal ang nasugatan, habang 19 sa kanila ang nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Pinangangambahan ding tumaas pa ang death toll, aniya.

“A number of people fell during a Halloween festival, and we have a large number of casualties. Many of those killed were near a nightclub,” sabi ni Choi.

Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang insidente nang magsiksikan ang maraming tao sa isang eskinita habang ipinagdiriwang nila ang Halloween.

Pero bago pa man mangyari ang crowd crush, sinabi ng ilang saksi na nagkakagulo na ang mga tao. Binaggit din nila na 10x na mas marami ang dumagsa sa Itaewon District.

Ito ang unang Halloween event sa Itaewon sa loob ng tatlong taon kung saan nagluwag na ang COVID-19 restrictions.

Samantala, kinakailangan naman magtayo ang mga awtoridad pansamantalang morgue sa paligid para paglagyan ng mga katawan ng mga namatay.

Dinala rin agad sa government facility ang mga katawan ng mga biktima para matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa sanhi ng isidente.

Samantala, nagdeklara si South Korean President Yoon Suk Yeol ng national period of mourning ngayong Linggo.

Nagpahayag din si Yoon ng kanyang pakikiramay sa mga biktima.

“This is truly tragic. A tragedy and disaster that should not have happened took place in the heart of Seoul last night,” aniya sa isang pahayag.

Samantala, sinabi naman ng Department of Migrant Workers na walang overseas Filipino Workers (OFW) ang naiulat na nasaktan sa naturang insidente.

“[P]er our labor attaché, no reports of OFWs hurt as of this time but they are still monitoring the situation,” saad ni Migrant Workers Secretary Susan Ople sa GMA News Online.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA), wala pa silang natatanggap na ulat kung may mga may mga Pilipinong biktima sa crowd crush.

“The Embassy is closely monitoring the situation and is in coordination with local authorities in case any Filipino national has been affected,” saad ng DFA.

“The Embassy continues to remind all Filipinos in Korea to observe precautions during large events,” dagdag pa nito. —LBG, GMA News