Pagdating sa kili-kili, ingat na ingat lalo na ang mga babae kaya inaalagaan nila ito para maging flawless at hindi mangamoy. Gaano nga kaya kaligtas ang paggamit ng mga cream, at mapanganib ba kung lalagyan ito ng tattoo?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Vonne Aquino, sinabing isa ang 25-anyos na nurse na si Jenny Butlig na nahumaling na gumamit ng cream matapos itong makita sa online na nangangako umano ng maputing kili-kili.
Nawala naman ang amoy at pumuti ang kili-kili ni Butlig matapos ang isang linggo. Ngunit sa mga sumunod na linggo, madalas na itong mangati, tinutubuan ng maliliit na butlig at namula pa.
Dahil dito, itinigil na niya ang paggamit ng cream.
"Naturally talaga 'yung iba mas malalim 'yung fine lines doon sa kili-kili. Puwede rin kasi because of dryness and irritation, normal lang naman ang pagkakaroon ng lines doon sa underarm," sabi ng determatologist na si Dr. Jean Marquez.
Kaya naman sa kaso ni Butlig, posibleng naging allergic siya sa mga sangkap ng cream.
"She could have reacted to the whitening chemicals andoon sa kaniyang underarm whitener. 'Pag balat niyan, siyempre natatanggal ang upper layer of the skin. Kapag natanggal ang upper layer of the skin natatanggal din ang oils doon sa area. Potentially lalong ma-dry at mamula and mangingitim," paliwanag ni Dr. Marquez.
Kung ang ibang babae ay naiilang kapag pinapansin ang kanilang underarms, hindi naman iniintindi ni Joceil Nacion ang mga tumitingin sa kaniyang kili-kili.
Sa unang tingin, tila may mantsa sa kili-kili ni Nacion. Pero sa malapitan, tattoo pala ito na may malalim na hugot.
Ikinuwento ni Nacion ang mapait na karanasan nang makunan siya.
"Buntis ako no'n. [After] six months nakunan po ako. Sumakit po 'yung tiyan ko tapos pag-ihi lumabas na 'yung baby ko. Madaling madali nila akong dinala sa doktor, sa emergency room. Nilibing po namin 'yung baby ko habang nasa ospital ako. Nililibing ng asawa ko 'yung baby ko. Noong nakalabas na po ako parang hindi rin ako nakakatulog ng gabi, umiiyak ako," sabi ni Nacion.
Para mas maalala ang yumaong anak, nagpa-tattoo si Nacion ng bulaklak sa kili-kili.
Paliwanag ni Dr. Marquez, isa sa pinakasensitibong bahagi ng katawan ang kili-kili, kaya mapanganib kung palalagyan ito ng tattoo.
"Nagsu-sweat ka sa area na 'yon at lagi itong mainit. 'Pag mainit ang area at basa, laging doon tumutubo ang infection. Mataas din ang chances na magkaroon ng infection after a tattoo," anang doktora.
"Dapat talagang mild soap lang ang ginagamit. And of course we wouldn't advise na mag-antiperspirant " payo ni Dr. Marquez sa mga may tattoo sa kili-kili. —LBG, GMA News