Malikhaing binuo ng isang Pinoy na dating chef ang pinagsamang kotse at jetski na tinatawag na "jet car," na mala-sports car kung humarurot sa mga katubigan sa Malolos, Bulacan. Ang sasakyan, maaari ring gamitin bilang pansagip-buhay kapag may baha.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Marisol Abdurahman, sinabing binuo ito ni Roel Cruz, isang dating Pinoy head chef sa Germany.
"Nag-aral ako ng mechanical engineering, pero [dahil sa] financial difficulties, hindi ko siya natapos. Passion ko talaga ang maging engineer, kaya lang, you cannot change your destiny, dito talaga ako siguro," sabi ni Cruz.
Kahit binubuo na niya ang kaniyang jet cars, hindi tinalikuran ni Cruz ang hilig din niya sa pagluluto. Maliban sa kaniyang unli crabs resto, may kainan din siya sa yate dahil plano niyang gawing atraksyon ang dalawa niyang fully-built jet cars.
Nakuha ni Cruz ang ideya ng jet car sa pagbisita niya sa US. Pero dahil mahal, naisip niyang gumawa na lang ng prototype nito.
Nagtungo si Cruz sa mga junk shop at tiningnan kung paano magtutugma-tugma ang spare parts ng mga kotse para makabuo ng jetcar.
Inabot si Cruz ng apat na buwan para matapos ang jetcar, at gumastos ng P250,000 para rito. Sulit naman ang pagbuo ng jetcar, dahil tumatakbo ito ng 40 knots o 60 kilometro kada oras.
Puwede nang maka-joy ride sa jetcar ni Cruz ng dalawang oras sa 80 litro na tangke ng petrolyo.
Puwedeng ibenta ang jet car sa halagang P300,000.
Sa panahon ng tag-ulan, puwede ring maging sagip-buhay ang jet car. —LBG, GMA News